Inaasahang aabot sa 64 million ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante kapag natapos na ang pinalawig na voter registration sa October 31.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), nasa 6.1 million na bagong botante ang nagparehistro simula noong August 2019 hanggang noong nakaraang buwan.
Kabilang na rito ang 700,690 reactivated voters at ang 1.45 million na nagparehistro para sa sangguniang kabataan na nasa edad 18 pataas na ngayon.
Sa kabila niyan, hinihikayat pa rin ni COMELEC Chairman Sheriff Abas ang mga hindi pa rehistrado ngayon na magtungo na sa registration sites at huwag nang hintayin ang huling araw ng pagpapatala.
Samantala, sakaling maisapinal na ang listahan ng mga botante sa Disyembre ay target ng COMELEC na mailunsad na sa Enero sa susunod na taon ang kanilang online precinct finder.
Nasa 110,000 vote-counting machines ang gagamitin ng COMELEC para sa 2022 elections upang maiwasang magkumpulan sa mga voting precincts.