Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na binawasan na nito ang bilang ng mga bumibiyahe sa EDSA Bus Carousel.
Sa isang resolusyon, sinabi ng LTFRB na nasa 550 bus units na lang mula sa orihinal na bilang na 758 ang pinayagang makapagbiyahe sa EDSA Bus Carousel epektibo noong Enero 1.
Paliwanag ng LTFRB, ipinatigil na rin ang biyahe ng mga point-to-point o P2P bus na una nang pinayagang bumiyahe sa EDSA Busway sa pamamagitan ng special permit.
Gayunman, ang mga bus na pumapasada sa EDSA busway ay bibiyahe ng 24/7 sa pamamagitan ng isang “Fare Box Scheme” at dapat maningil ng pasahe gamit ang fare matrix na inaprubahan ng LTFRB.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, ang fare matrix ay kailangang kunin ng mga operator ng bus sa EDSA Busway mula sa Technical Division ng LTFRB bago payagang sumingil ng pasahe.
Hinimok din ni Guadiz ang publiko na bisitahin ang opisyal na Facebook page nito para sa karagdagang impormasyon hinggil sa fare matrix.
Paliwanag pa ni Guadiz na sa pamamagitan ng fare matrix, masisiguro na ang sisingilin na pasahe ng mga bus ay iyon lamang inaprubahan ng LTFRB pero kung sakaling may mga bus na maniningil ng labis, i-report agad sila sa tanggapan ng LTFRB upang maaksyunan at mapatawan ng karampatang parusa ang sino mang lalabag dito.