Umabot na sa mahigit 300 kasapi ng Communist Terrorist Group sa bansa ang na-neutralisa ng militar mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.
Ito’y dahil sa pinalakas na focused military operations ng tropa ng pamahalaan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mula sa kabuuang 331 CTG members na na-neutralisa, 286 dito ang sumuko sa pamahalaan, 32 ang napatay sa iba’t ibang operasyon at 13 ang naaresto.
Nasa 175 na samu’t saring armas at 44 na anti-personnel mines naman ang nakumpiska at isinuko at 41 kuta ng mga makakaliwang grupo ang nakubkob ng militar.
Nauna nang sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., na target ng militar na ma-dismantle ang lahat ng NPA Guerilla fronts bago mag-Marso 31 ngayong taon.