Bilang ng mga COVID-19 cluster cases, bumababa na ayon sa DOH

Inihayag ng Department of Health (DOH) na umaasa silang magpapatuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 kasunod ito ng pagbaba ng bilang ng clustering of cases sa ibang panig ng bansa na una nang kinilala bilang mga hotspots dahil sa taas ng bilang ng kaso ng virus.

Ayon kay Health Usec. at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang transmission rate ng COVID-19 ay mas mababa sa isa sa mga nakaraang linggo gayundin sa mga nakalipas na buwan.

Aniya, maging ang bilang ng naitatalang kumpirmadong kaso ay mas mababa na rin sa 2,000 sa nakalipas na linggo na isang magandang indikasyon pagdating sa sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas.


Iginiit pa ni Vergeire na kung ikukumpara ang sitwasyon ngayon sa buwang ng Hulyo at Agosto,mas mababa ang bilang ng kaso kung saan dumadami o tumataas naman ang kapasidad para makontrol ang virus.

Pero,aniya, hindi dapat magpakampante ang publiko at nararapat pa rin silang maging mapagbantay at sumunod sa ipinapatupad na minimum health standards upang hindi kumalat ang virus.

Umaasa rin ang DOH na sa mga susunod na buwan ay bababa pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 at makapagpatuloy na ang publiko sa tinatawag na “new normal” na pamumuhay.

Facebook Comments