Isinagawa kahapon ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang final inter-agency coordination meeting kaugnay sa ipatutupad na latag ng seguridad sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, mula kasi sa humigit kumulang dalawang milyong debotong dumalo noong pre-pandemic ay inaasahang dodoble ang bilang nito ngayong taon.
Ani Fajardo, nasabik kasi ang mga deboto dahil ilang taon ding natigil ang Traslacion dahil sa pandemya.
Dahil dito, magpapakalat ang Pambansang Pulisya ng mahigit 16,000 pulis sa Maynila.
Maliban ani Fajardo sa pinaigting na seguridad, nagtalaga na rin ang mga awtoridad ng controlled area mula Quirino Grandstand hanggang sa Quiapo church.
Samantala, muling ipinaalala ng PNP sa mga deboto ang mga ipinagbabawal na gamit sa Traslacion tulad ng water canister, payong, bull cap at kung hindi maiiwasang magdala ng bag, siguraduhin na ito ay transparent.
Pinapayuhan din na huwag nang magsama ng bata at nakatatanda dahil tiyak na siksikan at maraming deboto ang lalahok sa Traslacion.