
Umakyat na sa 331 ang bilang ng mga nadiskubreng Department of Public Works and Highways (DPWH) flood control projects sa Quezon City.
Ito ang ibinunyag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isinagawang media briefing sa QC Hall kaugnay nang patuloy na pagbusisi ng Quezon City local government unit sa mga DPWH projects na hindi naipaalam sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Belmonte, nasa P17 billion na pondo ang halaga ng mga proyektong ito na dapat sanay napakinabangan ng mamamayan.
Aniya sa 305 proyekto, dalawang proyekto lamang ang may koordinasyon sa QC local government unit at may 94% ng mga proyekto ay hindi naaayon sa drainage masterplan ng lungsod.
Lumalabas din na 157 sa mga proyekto ay napondohan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), habang 170 proyekto ang wala sa 2022-2025 NEP.
Gaya ng naunang imbestigasyon, marami pa rin sa mga proyekto ang nadiskubreng mali ang lokasyon, pare-pareho ang halaga sa kontrata na tila ‘copy-paste’, mga proyektong idineklarang kumpleto kahit on-going pa ang konstruksyon, at may 91 proyekto na itinayo sa hindi flood-prone areas.
May 12 proyekto rin ang maraming phases gaya ng San Juan Flood Mitigation Project na una nang nakita na may 66 phase pero nadiskubreng hanggang 92 phases pala.
Dulot nito, kumbinsido si Belmonte na may mga ghost flood control projects sa lungsod.
Sinabi ni Belmonte na handa na nila ngayong isumite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa mga flood control projects sa Quezon City.









