Manila, Philippines – Bumaba ng 70 percent ang bilang ng mga naitalang drug-related killings ng Philippine National Police (PNP) noong 2018.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac – mayroon lang 272 na mga drug-related homicide noong nakaraang taon kumpara sa 956 kasong naitala noong 2017.
Pinakamataas na kaso rito ay dahil sa ‘rivalry’ sa pagitan ng mga drug gangs na nasa 72.
Habang 55 ay pinatay para mapigilan silang makapagsumbong sa mga otoridad; 53 ay dahil sa motibong “non-remittance” o onsehan sa droga; 46 ay dahil sa hindi pagbabayad ng utang at 30 ay mga civilian asset.
Sabi ni Banac – nangangahulugan lang ito na hindi totoong may Extra Judicial Killings sa bansa.
Samantala, bumaba rin ang bilang mga kaso ng pagpatay na walang kinalaman sa iligal na droga.
Noong 2018, nasa 5,194 cases lang ang naitala kumpara sa 6,437 noong 2017.
Ang top 5 cities o district na may pinakamataas na kaso ng pagpaslang ay naitala sa Northern Police District (273), Southern Police District (264), Maynila (206), Quezon City (170) at Cebu (137).
Pagmamalaki ni Banac – resulta ito ng mas maigting na pagpapatupad ng mga police checkpoint na nagpababa rin sa bilang ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga motorcycle-riding suspect.
Noong 2018, nasa 3,686 na lang ang motorcycle-riding crimes ang kumapara sa 5,466 na naitala noong 2017.