Bumaba ang bilang ng mga estudyanteng lumalahok sa distance learning, mapa-modular o online.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas, resulta ito ng hindi pagsasagawa ng gobyerno ng dry run ng nasabing learning method.
Aniya, halos hindi na nangangalahati ang bilang ng mga estudyanteng dumadalo sa kanilang online class.
Kakaunti na lamang din ang sumasagot at nagpapasa ng modules.
Samantala, welcome sa grupo ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin muna ang pilot testing ng limited face-to-face classes sa Enero.
Bagama’t naniniwala sila na pinakamabisang paraan pa rin ng pagtuturo ang face-to-face, hindi naman din dapat malagay sa alanganin ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral at guro.
“Ako bilang guro, kami sa aming grupo, naniniwala kami na there is no better substitute sa face-to-face learning. But yung hesitation especially ngayon na ang Europa ay nakakaranas ng another wave nitong mas malupit, mas mabagsik na virus na sinasabi e dapat din tayong mag-ingat,” saad ni Basas.
Para kay Basas, mas mainam kung itutuloy na lang muna ang distance learning hanggang Hunyo pero hindi dapat asahan na magiging kasinghusay ang output nito kumpara sa face-to-face learning method.
“Tutal nasimulan na nating ganito, ituloy na natin. After all, we cannot really expect po na yung output po nito kasinghusay nung output na mayroon tayong face-to-face ‘no. Magkakaroon kasi ng disruption, ng disparity rin ano kapag iba-iba. Medyo talo na nga yung mga bata ng mahihirap na pamilya e baka lalo pang matalo,” si Basas sa panayam ng RMN Manila.