
Sa huling tala ng Philippine National Police (PNP), nasa 365 na mga gas stations na ang pansamantalang nagsara sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nabatid na nitong mga nakaraang linggo ay nasa higit 400 na mga gas stations ang naitala ng PNP na pansamantalang nagsara sa buong bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, nagbabago-bago ang kanilang tala dahil may mga gas stations na muling nag-o-operate at ang dahilan naman ng pagsara ng ilan ay dahil na rin sa walang deliver ng mga produktong petrolyo at ang ilan ay wala nang stocks.
Kaugnay nito ayon kay Tuaño, 7 na ang nasasampahan ng kaso kaugnay ng hoarding, profiteering at paglabag sa trademark infrigemenr.
Patuloy naman ang isinasagawang koordinasyon ng PNP sa Department of Energy (DOE) para suportahan ang nagpapatuloy na monitoring sa presyo at suplay ng langis sa bansa.










