Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na apektado ng El Niño phenomenon sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa mahigit 2.4 milyong indibidwal ang apektado o katumbas ng 577,775 na pamilya mula sa 3,109 na barangays sa Regions 1, 2, 3, 6, 7, 8, 9, 12, MIMAROPA, BARMM at CAR.
Pinakamaraming bilang ng mga apektado ay naitala sa Region 6 o Western Visayas na may mahigit 900,000 indibidwal na sinundan naman ng BARMM, Region 9 at 12.
Umaabot narin sa 207 mga siyudad at munisipalidad ang nasa ilalim ngayon ng state of calamity dahil sa tagtuyot.
Sa datos pa ng NDRRMC, mahigit ₱908 milyon na ang naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektado kabilang na ang financial, food at non-food items, hygiene kit at maraming iba pa.