Bilang ng mga indibidwal sa bansa na fully vaccinated na laban sa COVID-19, halos isang milyon na

Aabot na sa halos isang milyon ang “fully vaccinated” laban sa COVID-19 sa bansa.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, umabot na sa 986,929 indibidwal ang “fully vaccinated” o nakatanggap na ng ikalawang dose ng bakuna.

Sa nasabing bilang, 560,375 dito ay mga health worker; 181,765 mga senior citizen; 244,393 ay persons with comorbidities habang 296 ay mga essential worker.


Nasa 4.3 milyong COVID-19 dose naman ang naibakuna na.

Dagdag ni Dizon, ang daily average vaccination ay umabot na sa 166,000 pero hindi pa sapat para sa herd immunity dahil target nila ang 500,000 indibidwal ang mabakunahan kada araw.

“Talaga pong napakalaki na po ng pag-arangkada ng ating pagbabakuna pang-araw-araw. Noong ating unang linggo po, kung mapapansin natin ang ating pagbabakuna noong Marso ay umabot lang po tayo ng limang libo kada araw, on average ‘no. Ang pinakamataas noong unang linggo ay 11,000. Ngayon po, ngayong week 12 na natin, labindalawang linggo na po tayong nagbabakuna ay umabot na po ang average natin sa isang linggo ng 166,000 vaccinations in one day.” ani Dizon

Sa kabila nito, naniniwala ang pamahalaan na sa susunod na mga buwan ay makamit na ito kapag dumating na ang bulto ng mga bakuna.

Facebook Comments