Bilang ng mga inilikas na residenteng nasa 6 km danger zone ng Bulkang Kanlaon, wala pa sa kalahati na target ng OCD

Aminado ang Office of Civil Defense (OCD) na wala pa sa kalahati o nasa 46 percent pa lamang ang kanilang naililikas na nasa loob ng 6 km danger zone ng Bulkang Kanlaon.

Ayon kay OCD Deputy Administrator Asec. Raffy Alejandro, target nilang mailikas ang halos 17,000 pamilya o katumbas ng 84,549 mga indibidwal.

Sa ngayon, nasa 9,942 pamilya o 39,258 pa lamang o katumbas ng 46% ang kanilang nae-evacuate sa La Carlota City, La Castellana, at Canlaon.


Sinabi ni Asec. Alejandro na iba-iba ang rason ng mga residenteng ayaw lumikas tulad ng kakulangan ng kagamitan sa evacuation centers, ayaw iwan ang kabuhayan, bahay at maging ang mga alagang hayop.

Gayunman, patuloy aniya ang kanilang panghihikayat sa mga ito lalo’t hindi pa rin inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad ng muling pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Facebook Comments