Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng pagbaba ng mga insidente ng krimen sa bansa ngayong panahon ng Pasko.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan na naitala nila ang 7.58% na pagbaba sa mga insidente ng malalaking krimen.
Sa kabila nito, may pagtaas aniya sa mga insidente ng petty crimes o ang pagnanakaw o theft.
Ito ay dahil sa aktibo ngayong panahon ang mga salisi gang, o kawatan sa mga mall, simbahan at iba pang mga matataong lugar.
Pero, sinabi ni Maranan na hindi ito dahilan para mabahala dahil aktibo rin naman ang presensiya ngayon ng mga pulis na nakakalat sa iba’t ibang lugar o nasa 85% ng buong pwersa katumbas ng 192,000 personnel.
Samantala, nagbabala rin si Maranan sa publiko na magmamaneho nang nakainom ng alak o lasing ngayong panahon ng Pasko at Bagong Taon kung kelan maraming okasyon o pagtitipon dahil paiigtingin aniya nila ang panghuhuli laban sa mga ito katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office o LTO.