Bilang ng mga isinarang community pantry, nadagdagan pa; Pagkakaroon muna ng permit mula sa mga LGUs bago makapagtayo ng Community pantry, pinag-aaralan na ng DILG

Nadagdagan pa ang bilang ng mga community pantry na isinara dahil sa umano’y nangyayaring red-tagging sa mga organizer ng nasabing inisyatiba at iba pang kadahilanan.

Kabilang dito ang Maginhawa community pantry sa Quezon City na nitong nakaraang linggo lamang nag-trending.

Ayon kay Ana Patricia Non na siyang tagapanguna sa Community pantry, bagama’t layon nilang makapagbigay ng pagkain sa mga naapektuhan ng pandemya at maging lugar para makapagbigay ng tulong sa mga nagnanais, nagreresulta naman ito ng banta sa kanilang buhay.


Agad namang humingi ng saklolo si Non kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na mabilis na inatasan ang Director ng Quezon City Police District upang imbestigahan ang insidente.

Maliban sa Maginhawa community pantry, ipinatigil na rin ng barangay ang Community pantry sa Matatag Street sa Quezon City dahil sa ilang paglabag.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magkaroon muna ng pahintulot mula sa Local Government Units (LGUs) ang mga community pantry upang matiyak ang pagsunod sa health protocols.

Facebook Comments