Sa pagbusisi ng budget para sa Department of Energy at attached agencies ay ipinagmalaki ng ahensya na umaabot na 26 million kabahayan o katumbas na 93.12% households sa bansa ang may kuryente na.
Gayunpaman, may natitira pang 1.1 million kabahayan sa Mindanao ang wala pang serbisyo ng kuryente.
Sa budget hearing ay ipinaliwanag ng National Electrification Administration (NEA) na isang hamon ang kakulangan sa government subsidy kaya hirap na matustusan ang pagpapailaw ng mga lugar sa ilalim ng Sitio Electrification Projects (SEP).
Humiling ang NEA ng 23.7 billion sa Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na taon ngunit 5.2 billion pesos lamang ang inaprubahan.
Mula naman sa target na 3,135 sitio ay tinatayang nasa 594 sitios lamang ang masi-serbisyuhan ng kuryente sa susunod na taon dahil 1.66 billion pesos lamang ang inilaang para sa Strategized Rural Electrification.
Sa kabila nito ay buo naman ang pag-asa ni Energy Secretary Raphael Lotilla makakamit pa rin ang itinatakda ng Philippine Energy Plan 2023-2050 tungo sa transition sa renewable energy.
Samantala, sa budget briefing ay binanggit naman ng DOE na umaabot na sa 287,867 ang benepisyaryo ng lifeline rate subsidy kung saan ang 237,023 dito ay mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).