Patuloy ang naitatalang pagtaas sa bilang ng mga pasyenteng gumagaling sa COVID-19 sa bansa.
Umaabot na ngayon sa 73 ang bilang ng mga naka-recover sa virus matapos na makapagtala ng panibagong siyam na pasyenteng gumaling.
Samantala, pumalo na sa 3,660 ang bilang ng positibong kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling update ng Department of Health o DOH ngayong hapon, may karagdagang 414 sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Samantala, umakyat na sa 163 ang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 matapos na may 11 panibagong binawian ng buhay sa COVID-19 sa bansa.
Hinimok din ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang Local Government Units (LGUs) na maglaan ng quarantine facilities sa kanilang mga nasasakupan.
Aniya, maaaring makipag-ugnayan sa kanila ang LGUs para matulungan ng DOH sa pag-convert sa quarantine facilities ng kanilang public facilities.
Sa harap naman ng global shortage sa PPEs, hinimok ng DOH ang mga kumpanya na mag-produce ng PPEs.
Nilinaw din ni Usec. Vergeire na ang PPEs ay hindi basta basta pwedeng gawin ng kahit na sino dahil mayroong standards na sinusunod sa paggawa nito.