Bilang ng mga locally stranded individuals sa Pasay City, nabawasan na

Nabawasan na ang mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) na pansamantalang nanatili sa Villamor Air Base at Philippine State College of Aeronautics (PhilSCA) sa Pasay City.

Mula sa bilang na 461, nasa 391 na lamang ang mga ito matapos na magkaroon na ng ilang biyahe ng eroplano kagabi.

Kasamang tumutulong ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na kumukuha ng impormasyon ng mga LSI’s para mabigyan ng cash assistance na ₱2,000 bago sila makauwi.


Bukod sa mga sleeping at hygiene kit, tuloy-tuloy ang natatanggap nilang pagkain mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, mga pulitiko, non-government organizations, at mga pribadong indibidwal.

Minomonitor din ng medical team ng lokal na pamahalaan ang kalagayan at kalusugan ng mga stranded na pasahero upang masigurong hindi sila nahawaan o nagkakaroon ng sakit.

Ang iba namang LSI’s na nasa 128 ang bilang ay dinala sa gym ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City kung saan sinabi ni Lt. Gen. Gilbert Gabay na isinailalim nila ang mga ito sa rapid testing at iba pang medical protocol bago kupkupin.

Matatandaan na nagsimulang magdagsaan sa paliparan ang ilang indibidwal na nagnanais na makauwi ng probinsiya simula nang ilagay sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila noong June 1, 2020.

Facebook Comments