BILANG NG MGA LUGAR SA PANGASINAN NA ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY, NADAGDAGAN PA

Nadagdagan pa ang mga bayan at lungsod sa Pangasinan na isinailalim sa State of Calamity dahil sa matinding pagbaha matapos ang ilang araw na walang patid na pag-ulan.

 

Opisyal nang idineklara ang State of Calamity sa mga bayan ng Malasiqui, Calasiao, Umingan,Sta.Barbara ,Lingayen, Mangatarem ,Mangaldan at Dagupan City.

 

Sa Dagupan, isang daang porsyentong apektado ng pagbaha ang 31 barangays sa lungsod dahilan upang ilikas ang higit 400 pamilya na kasalukuyang naninirahan sa 23 evacuation centers.

 

Problemang pagbaha rin ang kinakaharap sa Calasiao matapos makapagtala ng higit 18,000 evacuees mula sa 17 barangay na lubog sa baha dahil sa magkasunod na araw na umabot sa higit sampung talampakan ang lebel o above critical level ang Marusay River.

 

Nasa 15 barangay rin ang apektado sa Malasiqui na nagpalubog sa walumpong porsyento ng mga palayan habang 29 barangay naman sa Sta. Barbara ang pinadapa ng pagbaha dahil sa above critical level ng Sinucalan River.

 

Gayundin ang sitwasyon sa ilan pang bayan tulad ng Mangaldan, Lingayen at Mangatarem na nagdeklara base sa rekomendasyon ng kanilang MDRRM Offices.

 

Samantala, kaakibat ng deklarasyon ang paggamit ng calamity funds ng bawat bayan upang mapabilis ang recovery at relief efforts sa mga apektadong residente.

 

Kaugnay nito, atuloy ang pagsasagawa ng relief operations ng mga ahensyang tumutugon sa sakuna, kabilang ang pagbibigay ng pagkain, tubig, at pangunahing pangangailangan sa mga apektadong residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments