Aabot na sa 3.3 milyong mag-aaral ang nakapagpa-enroll na sa unang araw ng pagbubukas ng enrollment period, para sa darating na pasukan.
Ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte, higit na mas mataas ito mula sa 200,000 na mag-aaral na nag-enroll sa unang araw ng enrollment noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Duterte, naghahanda na ang Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng School Year 2022-2023, partikular dito ang pag-iimbentaryo sa school facilities na kailangang kumpunihin, lalo na sa mga lugar na tinamaan ng mga nagdaang kalamidad.
Samantala, makikipag-ugnayan din ang DepEd sa Department of Health (DOH) upang paigtingin ang counseling sa mga hindi bakunadong guro, non teaching personnel at mag-aaral, kasama na rito ang pagtataguyod ng mobile vaccination sa mga eskwelahan para sa mga nais magpabakuna.
Target din ng kagawaran na magkaroon ng mental wellness support sa mga mag-aaral na magta-transition na sa full face-to-face classes sa Nobyembre.