Umabot na sa 2.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, kabilang dito ang mga manggagawang pansamantala at permanenteng nawalan ng trabaho bunsod ng pagsasara ng kanilang pinapasukan dahil sa umiiral na community quarantine.
Posible pa aniyang tumaas ito kung hindi pa rin magpapatupad ng flexible working arrangements ang kanilang mga employer.
Samantala, aabot naman sa 1.26 milyong pisong cash aid na napagkaloob na ng gobyerno sa mga manggagawa sa bansa sa ilalim ng COVID-19 emergency subsidy program base sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
Base sa ulat, kabuuang 10.1 bilyong piso na ang nailabas ng Social Security System (SSS) sa higit isang milyon mula sa target na 3.4 milyong benepisyaryo magmula nitong May 6.
Habang ipinakita rin sa datos na nasa 2.2 milyong empleyado pa ang eligible sa nasabing programa.
Matatandaang sa ilalim ng COVID-19 emergency subsidy program, makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 ang bawat kwalipikado.
Ang unang tranche ay magaganap mula May 1 hanggang May 15 habang ang ikalawang tranche naman ay sa darating na May 16 hanggang 31.