Bilang ng mga Motorcycle Taxis sa lansangan, ‘di babawasan dahil sa pag-aaral; paratang ng Angkas, pinabulaanan

Nililinaw ng Inter-Agency Technical Working Group (TWG) ng Motorcycle (MC) taxis na “hindi totoo at walang basehan” ang naunang pahayag ng Transport Network Company (TNC) na Angkas na babawasan diumano ang bilang ng mga MC taxi riders at mahaharap sa kawalan ng hanapbuhay ang mga ito sa pagpasok ng 2020.

Ayon kay retired P/Maj. Gen. Antonio B. Gardiola Jr., Board Member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at kasalukuyang TWG chairman ng MC taxi, taliwas sa unang pahayag ng Angkas, hindi mababawasan, bagkus ay madaragdagan pa ang bilang ng mga MC taxi riders na lalahok sa extended pilot implementation.

Paliwanag ni Gardiola, nasa 39,000 na ang mga MC taxi riders na lalahok sa pag-aaral mula sa orihinal na bilang na 27,000 riders ng Angkas. Ibig sabhin, nadagdagan pa at hindi mababawasan ang mga MC taxis sa mga lansangan habang isinasagawa ang pag-aaral.


Ito ay matapos na bigyang konsiderasyon pa ng TWG ang dalawang MC taxi providers na MOVE-IT at JOY RIDE sa pilot implementation upang mabigyan ang mga mananakay ng kalayaang pumili ng kanilang ride hailing provider na angkop sa kanilang pangangailangan habang isinasagawa ang pag-aaral.

Pinalawig ng TWG ang pag-aaral sa MC taxi pilot implementation scheme mula 23 ng Disyembre 2019 hanggang 23 ng Marso 2020.

Nanawagan din ang TWG sa Angkas na huwag ilihis ang isyu ng MC taxi pilot implementation scheme sa publiko sa pamamagitan ng social media.

 

Facebook Comments