Bilang ng mga nabakunahang mga kabataan na kontra COVID-19, nasa higit 9,000 na

Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 9,928 ang bilang ng mga kabataan na nabakunahan na.

Ito ay pawang mga nasa edad 12 hanggang 17-anyos na pawang mga may comorbidities.

Ayon kay DOH Spokesperson Usec. Ma. Rosario Vergeire, sa nasabing bilang ng mga nabakunahanan, sampung bata ang nagkaroon ng reaction matapos maturukan ng bakuna.


Tatlong bata ang nakaranas ng allergic reactions pero naging maayos na rin ang kalagayan, tatlo rin ang nakaranas ng anxiety related reaction at ang apat na bata ay nakaranas ng mild reactions tulad ng pananakit ng braso kung saan binakunahan.

Sinabi pa ni Vergeire na bagama’t may ilang araw na ang nakakalipas mula ng simulan ang pagbabakuna, patuloy pa rin ang DOH sa pagmo-monitor sa mga kabataan na nabakunahan.

Samantala, inihayag ni Vergeire na kasalukuyang nasa low risk na sa COVID-19 ang buong bansa pero nasa moderate to high risk naman ang Cordillera Administrative Region, Region 1, 2, 4-B at Region 9.

Bukod dito, nakapagtala ang DOH ng karagdagang 380 na kaso ng Delta variant kung saan naitala ito sa 17 rehiyon sa bansa hahang lahat ng lungsod at munisipalidad sa National Capital Region (NCR) ay mayroon na ring naitatala ng nasabing uri ng virus.

Nananawagan naman ang DOH sa publiko na mag-doble ingat at kung maaari ay iwasan muna ang pagtungo sa matataong lugar upang tuluyan ng bumaba ang kaso ng COVID-19 habang papalapit ang holiday season.

Nakikiusap din ang DOH sa mga nagtutungo sa Dolomite Beach na kung maaari ay iwasan magpunta kung marami ng tao sa loob habang nananawagan naman sa mga kinauukulan na higpitan sana ang patakaran upang huwag magkaroon ng hawaan ng COVID-19.

Facebook Comments