Nakikita ng Department of Education (DepEd) na aabot sa halos 20% ang pagbagsak ng enrollment para sa basic education level ngayong taon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Batay sa national enrollment data muna nitong July 7, aabot pa lamang sa 18,558,639 ang enrollees para sa School Year (SY) 2020-2021 para sa Kindergarten hanggang Grade 12 kabilang ang Alternative Learning System (ALS) at non-graded learners with disabilities.
Mula sa nasabing bilang, 17,671,822 na estudyante ang nag-enroll sa public schools at 866,935 ang nakarehistro sa pribadong eskwelahan.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, hindi na nila inaasahan na maaabot ang naitalang enrollment noong nakaraang taon na nasa 27 milyon.
Napansin din nila na mababa ang bilang ng mga nag-enroll sa mga pribadong paaralan kumpara sa mga pampublikong eskwelahan.
Ang enrollment sa mga pribadong paaralan ay naapektuhan ng paglubog ng ekonomiya dahil sa pandemya.
Dahil dito, ang DepEd ay nagtakda na ng 80-percent enrollment target o nasa 22 milyon na mag-aaral sa public at private schools.