Aabot sa 17 na aspirant ang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para tumakbo sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.
Ito’y sa unang araw ng paghahain ng COC na itinakda ng Commission on Election (Comelec) na ginaganap sa The Manila Hotel Tent City.
Sa nasabing bilang, isa lang ang magbabalik senador habang ang iba ay bago lamang tatakbo kung saan 12 ang independent o walang partido.
Kabilang na dito ang isang OIC ng security guard, animal welfare advocate, dating guro, mechanical engineer, electrician at vlogger kung saan isang ginang rin mula Mindanao ang humabol bago ang deadline na alas-5:00 ng hapon.
Bukod dito, nasa 15 party-list group naman ang nagpasa na ng kanilang Certificate of Nomination and Certificate of Acceptance of Nomination (CON-CAN).
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sabay naman isinagawa ang extension ng voters’ registration at filing ng COC sa Batanes bunsod na rin ng nagdaang Bagyong Julian.