Mababa talaga ang bilang ng mga nagpapaturok ng booster shot sa bansa.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang isasagawa ng Department of Health (DOH) na “National COVID-19 Booster Week” ay malaki din ang maitutulong upang palakasin pa ang booster vaccination.
Pero, iginiit ni David na sinubukan na ng pamahalaan ang lahat upang mahikayat ang mga mamamayan na magpabakuna ng booster dose at desisyon pa rin talaga ng tao ito.
Dagdag pa ni David, marami rin kasi naniniwala na mild na lang ang COVID-19, pero hinihikayat pa rin niya ang mga tao na magpaturok na ng booster shot upang magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa sakit.
Samantala, batay sa National COVID-19 Vaccination dashboard ng DOH ay 18.5 milyong Pilipino lamang ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot nitong September 9.
Isasagawa ang “National COVID-19 Booster Week” sa darating na September 26 hanggang 29.