Nasa mahigit 104 milyong SIM cards na ang nairehistro sa bansa, ilang araw bago ang nakatakdang deadline ng SIM registration sa July 25.
Batay sa pinakahuling tala ng National Telecommunications Commission (NTC), may kabuuang 104,334,729 SIM cards na ang nairehistro.
Katumbas na ito ng 61.94% ng target na 169 milyong telco subscribers sa bansa.
Mula sa kabuuang SIM card registrants, 49,201,007 ang nakarehistro sa Smart Communications Inc., o katumbas ng higit 74% ng kanilang subscribers.
47,474,937 naman ang nairehistro na sa Globe Telecom Inc., o katumbas ng 54.73% ng kanilang subscribers habang mayroon na ring 7,400,899 nakarehistrong sim sa DITO Telecommunity o 49.45% ng kabuuang subscribers.
Patuloy namang hinihikayat ang mga hindi pa rehistrado na huwag nang antayin pa ang deadline sa susunod na linggo.
Una na ring sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na hindi na palalawigin ng pamahalaan ang deadline ng SIM card registration.