Nadagdagan pa ng 11 ang bilang ng mga COVID-19 patient na nakarekober sa sakit sa Quezon City.
Base sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Quezon City Health Department kagabi, abot na sa 26 na pasyente ang tuluyan nang nakarekober .
Hindi na rin nadagdagan ang bilang ng mga nasawi mula pa nitong nakalipas na mga araw at nanatili sa bilang na 34.
Pero nadagdagan naman ang kaso ng COVID 19 na abot na sa 625 at 563 sa kabuuang bilang ay lehitimong taga QC.
Pinakamaraming barangay sa lungsod na tinamaan ng sakit ay mula sa District 4 na may naitala nang 146, pinakamarami sa Barangay Bagong Lipunan ng Crame na abot na sa 14 na pasyente, 12 sa South triangle at 11 sa Pinyahan.
Sinundan ng District 1 na may 115 kaso, pinakamarami ay sa Barangay Bahay Toro na may 16 na kaso.
Pumapangatlo naman ang District 3 na mayroong 107 COVID-19 cases at pinakamarami ay sa Barangay Matandang Balara na may 25.
Samantala ang District 6 ay may 76 na kaso, pinakamarami ang Barangay Culiat na may 19, Pasong Tamo 15, Tandang Sora 17, habang ang District 2 ay may 59 na kaso at 27 sa kabuuang bilang ay mula sa Barangay Batasan Hills at sa District 5 ay mayroon din 47 na COVID-19 cases.
31 Barangay na ang isinailalim sa Extreme Enhanced Community Quarantine ng Lokal na Pamahalaan, pinakabagong idinagdag kahapon ang Barangay Commonwealth at Barangay Pansol.