Muling nakapagtala ng karagdagang sampung (10) pasyente na mga residente ang lungsod ng Pasay na nakarekober sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa datos ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nasa 401 na ang kabuuang bilang ng mga nakarekober at ang iba sa kanila ay natulungan na ng lokal na pamahalaan para makauwi na sa kanilang tahanan.
Pumalo naman sa 700 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pasay City matapos makapagtala ng bagong 19 cases.
Nasa 428 ang probable at 20 ang suspected cases.
Mula Hunyo 15, 2020 hanggang Hunyo 21, 2020, nananatili pa rin sa 41 ang bilang ng namatay na residente dahil sa COVID-19 sa lungsod ng Pasay.
Lahat ng confirmed cases ay patuloy na tinututukan ng lokal na pamahalaan kung saan patuloy na nagsasagawa ng rapid testing at swab test para matukoy ang ilang mga residente na nahawaan ng virus.
Muli ring pinapaalala ng Pasay City Government sa mga residente nito na manatili sa bahay, magsuot palagi ng face mask, pairalin ang physical distancing, maghugas palagi ng kamay at maging ligtas anumang oras.