
Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas na nadagdagan pa ng 11 pasyente ang nakarekober sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Dahil dito, umaabot na sa kabuuang bilang na 35 ang nakakarekober sa nasabing sakit.
Ayon kay Las Piñas City Health Office (LPCHO) Chief Dr. Ferdinand Eusebio, ang mga nasabing pasyente na gumaling sa COVID-19 ay nagmula sa mga Barangay BF International/CAA, Manuyo Dos, Pamplona Uno, Talon Uno, Almanza Dos, Pamplona Dos at Talon Kuwatro kung saan tig-dalawa naman sa Talon Dos at Talon Tres.
Sinabi pa ni Dr. Eusebio na isa itong magandang development sa patuloy na laban ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas sa COVID-19.
Una nang pina-igting ng City Health Office ang contact tracing para matunton ang mga nakasalamuha ng isang indibidwal na may COVID-19 gayundin ang swab testing partikular sa mga health workers at frontliners na posibleng nahawaan ng virus.
Sa datos pa ng Las Piñas City Health Office, nasa 187 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, 20 ang nasawi, 2 ang probable at 63 ang suspected cases.









