
Umabot sa 11,425 ang mga nakakumpleto sa tatlong araw na 2025 Bar Examinations.
Ayon sa Korte Suprema, ito ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng Philippine Bar.
Mula sa 13,193 admitted applicants, naitala rin ang record-breaking na 11,437 examinees na dumalo sa unang araw.
Idinaos ang Bar Exams sa 14 local testing centers sa buong bansa, kabilang ang University of Santo Tomas at San Beda sa Maynila, UP-BGC sa Taguig, Ateneo de Manila sa Makati, Saint Louis University sa Baguio, University of San Jose-Recoletos sa Cebu, Ateneo de Davao, at Mindanao State University-Iligan.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng 2025 Bar, naging maayos at ligtas ang buong proseso, at walang naitalang aberya o karahasan.
Itinampok din ngayong taon ang tinawag niyang “magical question” na Question #20 kung saan nakatuon sa Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027 ng Korte Suprema.
Ayon kay Justice Lazaro-Javier, mahalagang maging katuwang ang mga bagong abogado sa reporma ng hudikatura tungo sa mas mabilis, accessible, at makatarungang sistema ng hustisya.
Sa Turnover Ceremony sa UST, pormal niyang ipinasa ang pamumuno ng Bar Exams kay SC Associate Justice Samuel Gaerlan bilang Chairperson para sa 2026 Bar.
Samantala, nagbigay ng pangwakas na mensahe si Senior Associate Justice Marvic Leonen sa ngalan ni Chief Justice Alexander Gesmundo kung saan sinabi nitong higit pa sa kaalaman sa batas, dapat taglayin ng mga bagong abogado ang integridad, kakayahan, at malasakit sa paglilingkod.









