Bilang ng mga nasawi bunsod ng shear line, sumampa na sa 49 – NDRRMC

Pumalo na sa 49 ang napaulat na nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha bunsod ng sama ng panahon sa Visayas, Mindanao at ilang lugar sa Luzon noong Christmas weekend.

Batay sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), labing-anim sa mga nasabing bilang ay kumpirmado, habang sumasailalim pa sa validation ang tatlumpu’t tatlo.

25 sa mga namatay ay mula sa Northern Mindanao o Region 10; walo sa Bicol Region o Region 5; tig-apat sa Eastern Visayas o Region 8, Zamboanga Peninsula o Region 9 at Davao Region o Region 11; tatlo naman sa Caraga Region o Region 13; at isa sa MIMAROPA o Region IV-B.


Ayon pa sa NDRRMC, nasa 16 ang naitalang sugatan, habang 22 naman ang nawawala.

Samantala, kabuuang 141,115 na pamilya o 553,983 indibidwal ang naapektuhan ng nasabing sama ng panahon.

Aabot naman sa 14,223 pamilya o 51,456 indibidwal ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan.

Sa kasalukuyan, nasa 3,232 pamilya o 10,147 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center na karamihan sa mga apektadong pamilya ay mula sa Northern Mindanao, MIMAROPA, at Caraga.

Habang, umakyat na sa ₱1.13 bilyon at ₱245 milyon ang iniwang pinsala sa imprastraktura at agrikultura dahil sa pag-ulan at pagbaha.

Dagdag pa ng NDRRMC, umabot na sa ₱4.7 milyon tulong ang naipamahagi na sa mga apektadong indibidwal.

Facebook Comments