Bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Ursula, umakyat na sa higit 30 – NDRRMC

Sumampa na sa 31 ang nasawi sa hagupit ng bagyong Ursula sa Kabisayaan.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), marami ang nasawi sa Iloilo na may 13, kasunod ang Capiz at Eastern Samar na may tig-apat.

May tatlo namang nasawi sa Oriental Mindoro, dalawa sa Leyte, at tig-isa sa Cebu, Southern Leyte at Biliran.


Karamihan sa mga nasawi ay nalunod bunsod ng flash floods at storm surges, habang ang iba ay nakuryente at natamaan ng lumilipad na debris.

Maliban dito, nasa 12 katao ang nawawala.

Nasa 185,000 katao ang apektado kung saan higit 40,000 dito ang nananatili sa evacuation centers.

Sa datos ng Department of Agriculture (DA), aabot sa 634 million pesos ang iniwang pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.

Mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot naman sa 139.6 million pesos ang pinsala sa kalsada, tulay, at iba pang pampublikong istraktura sa bansa.

Sa impormasyon mula sa Department of Energy (DOE), 14 na tore at 59 na transmission structures ang nasira ng bagyo.

Facebook Comments