Sumampa na sa apat ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa paputok matapos makapagtala ng isang karagdagang kaso ang Department of Health (DOH) nitong nagdaang holiday.
Nagmula ang panibagong kaso ng pagkasawi sa CALABARZON Region kung saan isang 54-taong-gulang na lalaki ang nagtamo ng matinding pinsala sa kaliwang kamay matapos masabugan ng kwitis.
Sa ngayon, umaabot na sa 832 ang kabuuang kaso ng mga nabibiktima ng paputok simula noong December 22, 2024 hanggang kaninang umaga ng January 5, 2025.
Mas mataas ito ng 37% kumpara sa 606 na kasong naitala sa kaparehong panahon ng 2024.
685 sa kasalukuyang datos ay mga lalaki habang 147 ang babae, habang nananatiling kwitis ang nangungunang sanhi ng pinsala dahil sa paputok, na sinundan ng 5-star at boga.