Bilang ng mga nasawi dahil sa tigdas, umakyat na sa mahigit 100

Manila, Philippines – Sumampa na sa 115 ang bilang ng mga nasawi dahil sa tigdas.

Kasabay nito ay ang patuloy ding pagdami ng mga tinatamaan ng nasabing sakit sa mga rehiyon sa bansa kung saan una nang nagdeklara ng measles outbreak.

Sa datos ng Department of Health, mula January 1 hanggang February 13, 2019, umakyat na sa 6,921 ang bilang ng nagkatigdas at pinakamarami rito ay naitala sa NCR na nasa 1,752.


Ayon pa kay DOH Secretary Francisco Duque III – tumaas rin ang bilang ng mga nahawa ng tigdas sa CALABARZON na nasa 1,653.

Aminado ang kalihim na nalulungkot siya sa patuloy na paglobo ng kaso ng tigdas sa bansa kaya paulit-ulit din ang paalala niya sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Ito rin ang dahilan kaya magiging bukas na rin kahit sa mga araw ng sabado at linggo ang mga health centers sa Metro Manila.

Araw-araw ding mag-iikot ang mga health officer sa mga barangay para kampanya kontra tigdas.

Facebook Comments