Sumampa na sa 16 ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa Davao Region bunsod ng masamang panahon na epekto ng hanging amihan at trough o extension ng Low Pressure Area (LPA).
Batay sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pawang isinasailalim pa sa verification ang nasabing bilang, gayundin ang tatlong napaulat na nawawala at labing-isang sugatan.
Sa ngayon, nasa 772,276 na indibidwal o katumbas ng 204,840 na pamilya ang apektado ng mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng walang humpay na pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa nasabing bilang, nasa 24,212 na pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa 341 na evacuation centers habang 94,595 na pamilya naman ang piniling manirahan muna sa ibang lugar.
Samantala, pumapalo na sa mahigit P2.6 million ang tinatayang pinsala sa 26 na imprastraktura sa Davao at Caraga Region, habang nasa 91 na kabahayan naman ang nagtamo ng pinsala.
Umaabot naman sa mahigit P10.9 million na halaga ng tulong ang naipamahagi na ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa mga apektadong residente.