Bilang ng mga nasawi sa Jolo twin bombing, umakyat na sa 22!

Sulu – Umakyat na sa 22 ang bilang ng nasawi sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.

Kinilala ng AFP-Western Mindanao Command ang pinakahuling nasawi na si Thelma Villanueva, 68-anyos.

Ayon sa WestMinCom, nagdesisyon ang pamilya ng biktima na tanggalin na ang kanyang life support sa intensive care unit ng Zamboanga City medical center.


Kasabay nito, kinumpirma na rin ng Sulu-PNP na posible ngang suicide bombing ang nangyaring pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral gaya ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Sulu provincial police director Sr/Supt. Pablo Labra – may dalawang pares pa ng putol na paa, tenga at iba pang bahagi ng katawan, na posibleng pagmamay-ari ng isang lalaki at isang babae, ang hindi pa nake-claim.

Magsasagawa ang PNP ng DNA testing sa mga parte ng katawan na na-recover sa blast site para malaman kung talagang suicide bombing ang nangyari.

Nagpapatuloy naman ang ‘all-out war’ ng gobyerno laban sa grupong Abu Sayyaf kung saan nasa 5,000 sundalo ang tumutugis ngayon sa mga suspek sa pagpapasabog.

Facebook Comments