Bilang ng mga nasawi sa landslide sa Davao de Oro, sumampa na sa 37

Sumampa na sa 37 ang bilang ng mga nasawi sa landslide sa Brgy. Masara, Davao de Oro.

Sa datos ng Maco LGU kaninang alas dose ng tanghali, ibinaba na sa 63 mula sa 77 ang bilang ng mga nawawala, bagamat hindi pa malinaw kung bakit binago ang nasabing datos.

Samantala, 32 pa rin ang naitalang nasaktan mula sa trahedya.


Ayon kay Davao De Oro PDRRMO Executive Assistant On Communications And Public Relations Edward Macapili, umaasa pa rin sila na may maililigtas pang buhay mula sa guho bagamat maliit na lamang ang tyansa nito.

Naganap ang landslide noong February 6 ng gabi malapit sa minahan ng ginto sa bayan ng Maco, kung saan natabunan ang ilang mga sasakyan kabilang ang dalawang bus na may sakay na pasahero.

Nadamay rin sa insidente ang ilang mga kabahayan maging ang barangay hall sa lugar.

Facebook Comments