Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa lima ang nasawi kasunod ng pagtama ng magnitude 7 na lindol sa Abra kahapon.
Batay sa datos ng NDRRMC, ang apat na namatay ay pawang na taga- Cordillera Administrative Region o CAR na nasa edad 23, 24, 25 at 31-anyos.
Habang, ang pang-limang na naitalang nasawi ay mula sa Ilocor Sur, pero patuloy ito na kinukumpirma at bineberipika ng NDRRMC.
Samantala, sumampa na sa 131 ang bilang ng nasugatan habang wala namang naitalang nawawala.
Ayon sa NDRRMC, karamihan sa mga naitalang sugatan ay mula sa CAR.
Samantala, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mahigit 800 na aftershocks matapos tumama ang naturang lindol.
Sa abiso ng PHIVOLCS, hanggang kaninang 4PM ay umabot sa 871 ang aftershocks ang naitala na may lakas na magnitude 1.5 hanggang 5.0.
Sa nasabing bilang, 188 ang naka-plot o matatagpuan malapit sa epicenter ng mainshock sa Abra.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling mapagbantay dahil ang mga aftershocks ay maaaring mangyari sa mga susunod na mga araw.