Umakyat na sa mahigit 30 ang naitalang nasawi habang nasa higit 800 ang nasugatan sa naganap na magnitude 7 na lindol sa bahagi ng Aegean Coast sa Turkey at Samos Island sa Greece.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 20 gusali ang gumuho sa Izmir City matapos maitala ang episentro ng lindol sa dagat kaya tumaas ang sea level at nagdulot ng pagbaha.
Bukod dito, karamihan sa mga namatay ay nasa coastal area ng Turkey at dalawa katao naman sa mga nasawi ang natagpuang patay matapos gumuho ang isang pader sa Samos Island sa Greece.
Umabot naman sa halos 500 ang naitalang aftershocks sa naturang lindol.
Samantala, kinumpirma ni Philippine Ambassador to Turkey Raul Hernandez na walang Pilipino ang nadamay o nasugatan dahil sa nasabing lindol.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ng search and rescue operation sa siyam na lugar ng Izmir kung saan may ilang katao naman ang nabagsakan ng mga gumuhong gusali.