Bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Kristine, umabot na sa 125

Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa pananalasa ng Bagyong Kristine.

Mula sa 116 kahapon, umabot na ito ngayon sa 125.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 115 ang naitalang nasaktan at 28 pa ang naitalang nawawala.


Samantala, higit 1.7-M pamilya o katumbas ng mahigit 7.1-M indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 10,181 na mga barangay sa Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 (Bicol), Region 6 (Western Visayas), Region 7 (Central Visayas), Region 8 (Eastern Visayas), Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 10 (Northern Mindanao), Region 12 (SOCCSKSARGEN), CARAGA, BARMM, CAR, at NCR.

Sa nasabing bilang mahigit kalahating milyong indibidwal pa rin ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa bansa.

Nasa 161 siyudad at munisipalidad na rin ang nasa ilalim ngayon ng state of calamity.

Kaugnay nito, nasa P720-M na ang halaga ng tulong na naipagkakaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng family food packs, damit, gamot at marami pang iba.

Facebook Comments