Bilang ng mga nire-refer na pasyente na may kaugnayan sa COVID-19 sa PGH, patuloy na nadaragdagan

Inihayag ng pamunuan ng Philippine General Hospital o PGH na tumaas ang bilang ng mga nire-refer na pasyente na may kaugnayan sa COVID-19.

Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, mula nang maging referral center ang nasabing hospital noong buwan ng Marso 2020, pumalo sa 172 ang bilang ng mga COVID-19 patient kung saan unti- unti naman itong bumaba nitong buwan ng Mayo sa bilang na 75.

Pero nitong nakalipas na linggo, mula nang buksan ang ilang negosyo at transportasyon, muling tumaas ang bilang ng mga pasyenteng dinadala na may kaso ng COVID-19.


Sinabi pa ni Dr. Del Rosario na sa kasalukuyan, nasa 171 na muli ang bilang ng mga ini-refer na pasyente at mga nagwalk- in na indibidwal na may mga sintomas ng COVID-19.

Aniya, inaasahan na nila ito lalo na’t bahagyang lumuwag ang ilang patakaran sa pagpapatupad ng quarantine kung saan handa naman sila sa ganitong sitwasyon.

Iginiit pa ni Dr. Del Rosario na kaya pa rin mag-accommodate ng PGH ng COVID-19 patients dahil meron silang 200 bed capacity.

Ang iba rin sa mga pasyente ay may mild to moderate lamang na sintomas ng COVID-19 kung saan nanawagan sila sa mga Local Government Unit na kung maaari ay tumulong silang mailipat ang ilan sa mga ito sa kanilang mga quarantine facility.

Facebook Comments