Tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga healthcare facility para sa inaasahang pagbugso muli ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Nurses Association (PNA) president Melbert Reyes na “very alarming” ang muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero sa ngayon aniya, sapat pa ang bilang ng mga nurse na maaaring mag-aalaga sa mga mao-ospital.
Pero ang Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Maynila, nagsara na muna dahil sa pagtaas ng COVID-19 infections sa kanilang mga pasyente at mismong mga healthcare worker.
Maging ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ay pansamantala rin munang hindi tatanggap ng mga pasyente sa kanilang emergency room dahil sa pagtaas ng tinatamaan ng virus sa mga tauhan at empleyado nito.
Ayon kay Reyes, karamihan sa mga nurse na nagpopositibo sa COVID-19 ay asymptomatic o di kaya ay nagpapakita lamang ng mild symptoms.
Isa sa nakikita niyang dahilan ng pagsipa ng COVID-19 cases ay ang pagpapabaya ng publiko sa pagsunod sa minimum public health protocols.