Bilang ng mga overseas voter na nakaboto na, umabot na sa mahigit 380,000

Mahigit 380,000 na Pilipino sa abroad ang nakaboto na sa Overseas Absentee Voting (OAV) na nagsimula noong Abril 10.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Marlon Casquejo, 23% ito ng partial turnout ng kabuuang 1,697,130 overseas voters kung saan 385,437 na ang nakaboto.

Aniya, 56,550 ang mga Pinoy ang bumoto na sa Amerika; 139,041 sa Asia Pacific; 41,719 sa Europe; at 148,127 sa Middle East at Africa.


Sinabi pa ni Casquejo na 1,791 na indibidwal mula sa 2,245 na nag-apply para sa “vote anywhere” ang nakaboto na.

Ang mga hindi aniya naaprubahang aplikasyon ay dahil wala silang record bilang overseas voter; deactivated ang kanilang registration at kung ang post na kanilang pagbobotohan ay gumagamit ng postal mode of voting.

Sa ilalim ng “vote anywhere,” pinapayagan pa ring makaboto ang mga Pilipino sa kinaroroonan niyang bansa kahit hindi siya doon rehistrado.

Habang sa field voting, ang mga staff mismo ng konsulada at embahada ang nagtutungo sa tinitirhan ng mga Pilipino para doon magsagawa ng botohan.

Facebook Comments