Dodoble ang bilang ng mga pasahero ngayong darating na panahon ng Semana Santa.
Ito ang inaasahan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA, na posibleng umabot sa 2.2 milyon ang mga pasahero ngayong Holy Week kumpara sa 1.2 milyon lamang na naitala nila noong isang taon sa parehong panahon.
Sinabi ni Samonte, magsisimula ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa Linggo, Araw ng Palaspas April 2 at magtatagal hanggang Easter Sunday o Araw ng Pagkabuhay sa April 9.
Kabilang aniya sa limang nangungunang pantalan na inaasahang dadagsain ng mga pasahero ay ang Batangas Port, Iloilo, Calapan, Oriental Mindoro, Jordan sa Guimaras at Babak sa Davao.
Ayon kay Samonte, nagsimula na sila sa 24 oras na operasyon sa lahat ng pantalan at ang kanilang mga personnel ay binigyan na ng abiso na walang papayagang lumiban o maghain ng leave of absence at kanselado rin ang kanilang days off.
Paalala naman ni Samonte sa mga pasahero, planuhin nang maaga ang pagbiyahe, at maaga ring pumunta sa mga pantalan para maiwasang maabala o pumila nang mahaba.