Bilang ng mga pasahero sa eroplano ngayong Undas 2022, posibleng tumaas sa 10% – DOTr

Posibleng sumipa ng 10% ngayong taon ang mga pasahero sa eroplano mula sa dating naitalang higit 4 milyon noong 2019 sa panahon na paggunita ng Undas.

Sinabi ni Director Jonathan Gesmuno, Executive Assistant VI of Office of the Secretary ng Department of Transportation (DOTr) na balik na kasi ngayon ang dating dami ng mga pasahero sa eroplano.

Dagdag pa ni Gesmuno, naka-full alert ang lahat ng paliparan sa bansa simula ngayong araw hanggang November 4.


Nakapag-inspeksyon na rin aniya sila sa mga airport at humingi na rin ng iskedyul sa lahat ng biyahe ng airlines para matulungan ang mga pasahero sakaling magkaroon ng pagkansela ng flight dahil sa Bagyong Paeng.

Siniguro rin ni Gesmuno na handa ang lahat ng airport, seaport, bus terminals at mga tren sa pagdagsa ng mga pasahero.

Kasunod nito, pinayuhan naman ni Gesmuno ang publiko na panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask habang nasa biyahe upang maiwasan ang banta ng COVID-19.

Facebook Comments