Sa oras na payagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang pagbabalik operasyon ng public transportation kabilang na ang MRT at LRT sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ay magiging limitado lamang ang capacity nito.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati na mula sa dating 1,200 passenger capacity ay magiging 153 passengers na lamang ang maaaring isakay sa kada train set na nangangahulugang mas mahabang oras ang igugugol ng pasahero bago ito tuluyang makasakay ng tren.
Paliwanag ni Director Capati, magiging istrikto kasi sila sa pagpapatupad ng minimum health standards pagdating sa pagsakay ng tren.
Kinakailangan aniyang nakasuot ng face mask ang isang pasahero, kukuhanan din sila ng temperatura at kapag nasa 37.8° and body temperature ay hindi ito pasasakayin.
Markado na rin ang train seats kung saan lamang pwedeng maupo ang mga pasahero upang mapanatili ang social distancing, mayroong mga nakatalagang disinfection areas at gagawin ding regular ang pagdi-disinfect ng tren.
Samantala, ang mga buntis, senior citizen at mga bata ay hindi muna papayagang sumakay ng tren maliban na lamang kung ang isang nakatatanda ay kabilang sa tinatawag na Authorized Person Outside Residence (APOR) dahil ang mga ito ay ikinukonsidera bilang mga vulnerable sectors.