Nadagdagan pa ang bilang ng mga pasaherong stranded sa mga pantalan sa Visayas at Mindanao dahil sa Bagyong Kabayan.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong hapon, umakyat na sa kabuuang 242 ang bilang ng mga stranded na pasahero sa mga pantalan.
Bahagya itong nadagdagan kumpara sa 192 na stranded na pasahero kaninang umaga.
Partikular na apektado ang mga pantalan ng Montebon Wharf at Bato Port sa Eastern Visayas, at Nasipit Port Northeastern Mindanao.
Samantala, pumalo na sa 77,112 ang buhos ng mga pasahero sa mga pantalan sa buong bansa ngayong araw, ilang araw bago ang Kapaskuhan.
Sa datos ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2023, nasa 44,021 ang outbound passengers at nasa 33,091 naman ang inbound passengers.
Patuloy naman ang pagbabantay ng PCG sa mga sitwasyon sa pantalan kaugnay sa Bagyong Kabayan at dagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.