Bilang ng mga pasaherong umaalis at dumarating sa bansa kada araw, aasahang tataas hanggang 15% ayon sa MIAA

Tataas ng labing tatlo hanggang labing lima porsyento ang bilang ng mga pasahero ngayong nagsisimula na ang panahon ng holidays o peak season.

Ito ang inaasahan ng Manila International Airport Authority o MIAA.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Bryan Co, MIAA Senior Assistant Manager na ang peak season ay mula December 15 hanggang mga unang linggo ng Enero ng susunod na taon.


Aniya, sa kasalukuyan ay nasa isandaang libo ang mga pasaherong dumarating at umaalis kapwa sa domestic at international operations.

Naniniwala si Co na nalagpasan na ng Pilipinas ang pre-pandemic o ang bilang ng mga pasahero bago pa nagpandemya noong 2019 pagdating sa usapin ng domestic operations o ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa iba’t ibang local destinations sa bansa.

Habang sa international travels naman aniya, may ibang mga bansa na hanggang ngayon ay restricted pa rin ang galaw dahil sa COVID-19 kaya nasa 60 hanggang 70% pa lamang ito ng pre pandemic international travel traffic.

Facebook Comments