
Umabot na sa higit 14,000 ang nakinabang sa zero balance billing system ng pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., unti-unti nang nalalaman ng publiko ang Bayad na Bill Mo program o ang zero balance billing system sa mga ospital ng Department of Health (DOH).
Pero utos ng pangulo, ipagpatuloy lamang ang information drive tungkol sa programa para mas dumami pa ang makinabang.
Batay sa datos ng DOH, mula nang ianunsyo ng pangulo ng bagong sistema, nasa 12,000 na mga pasyente sa Eastern Visayas Medical Center ang nabenepisyuhan habang nasa 2,400 na pasyente naman sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Ipinatutupad na rin ito sa lahat ng 83 DOH hospital kabilang na ang apat na Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) hospitals, basta’t basic accommodation ang kailangan ng pasyente.









