Marawi City – Umakyat na sa 313 ang bilang ng mga patay sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Kasama sa nasabing bilang ang 59 na napatay mula sa tropa ng pamahalaan na kinabibilangan ng mga sundalo at mga pulis kung saan pinakahuli sa mga nadagdag sa listahan ng casualties si Lt. Junrich Legada na miyembro ng Special Forces Operations Group ng Philippine Army.
Sa kabuuan, sinabi ni AFP Spokesman B/Gen. Restituto Padilla na umakyat na sa 228 ang bilang ng mga napatay na miyembro ng Maute Terror Group at Abu Sayyaf Group.
Nasa 26 na din ang bilang ng mga patay na sibilyan base na din sa kanilang talaan katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa interview naman ng DZXL-558 kay Lt Col. Jo-Ar Herrera, spokesperson ng 1st Infantry Division ng Philippine Army, kanila pa din tinutugis ang mga natitirang miyembro ng Maute Group pero prayoridad pa rin nila na mailigtas ang mga naiipit sa bakbakan.
Nauna na din sinabi ni Health Sec. Paulyn Ubial na umakyat na sa 59 ang mga namatay sa iba’t ibang mga evacuation centers na pinagdalhan ng mga inilikas mula sa Marawi City na ang karamihan ay dulot ng kanilang mga sakit.